57

May 24, 2020 @ 15:03
By

Vice Mayor Lacuna, nilinaw na dahil sa mass testing kaya tumataas ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Maynila

Nilinaw ni Vice Mayor Dr. Honey Lacuna-Pangan nitong Sabado na kaya tumataas ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa syudad ay dahil sa tuloy-tuloy na operasyon ng mass testing.

Dahil umano sa mass testing operations, ipinunto ni Lacuna-Pangan na naaaksyunan at natutugunan agad ng Manila City government ang mga dinapuan ng nasabing sakit.

“Halimbawa, sa isang community, meron na kaming nakitang positive sa swabbing. So magcocontrate na kami sa community na yun. Bubugbugin namin yung community na iyon sa rapid testing pagkatapos lahat ng makuha namin na positive roon, is-swab na natin. At least maze-zeroed na natin kung asan yung may problema,” saad ni Lacuna-Pangan.

“So we identify kung saan yung maraming may positive cases then we do massive rapid testing in these barangays and then pagkatapos noon lahat ng nagpositive doon, automatic isswab na po namin, i-i-isolate na po agad namin sila. Hindi na po natin sila ibabalik sa community nila,” dagdag pa nito.

Base sa data ng Manila Health Department, nakapagsagawa na ng 43,067 rapid tests at 7,481 swab test nitong Mayo 23 ang lungsod.

Paglilinaw pa ni Lacuna-Pangan, “Gaya po ng sinasabi ni Mayor Isko Moreno, ieexpect po natin, mga batang Maynila, na tataas pa po ‘yung numero ng mga magpa-positive sa kadahilanang gumagawa tayo ng mass testing ngayon,”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?