99

Dec 21, 2020 @ 22:11
By

Vice Ganda bumalik ang trauma sa tinumbang ama

Nakiisa si Vice Ganda sa panawagan na hustisya para sa mag-inang Sonya at Frank Gregorio, na malapitang binaril sa ulo ng pulis sa Paniqui, Tarlac noong Linggo.

Sinabi ni Vice sa Twitter post na bumalik ang trauma niya noong patayin ang kanyang ama taong 1991 matapos niyang mapanood ang viral video ng pagpatay sa mag-ina.

“Natulala ako matapos ko mapanuod ung video. Bumalik yung trauma ko. Bumalik lahat ng pilit ko ng ibinabaon na alaala. Ung putok ng baril. Ung itsura nung tatay ko na parang baboy na sinasakay sa jeep. Ung mukha ng demonyo. Ang bigat ng nararamdaman ko,” anang “It’s Showtime” host.

Binatilyo pa lamang noon si Vice nang itumba sa labas ng kanilang bahay ang noo’y barangay captain na ama niyang si Reynaldo Viceral.

Umaasa naman si Vice na hindi magagaya sa sinapit ng ama niya, na hindi nabigyan ng hustisya, ang mag-inang Gregorio.

“Sana’y wag silang magaya sa Tatay ko na di nabigyan ng hustisya. Sana’y wag silang magaya sa pamilya namin na namanhid na lang sa tagal ng paghihintay ng katarungan. Sana wala ng makaranas ng kasamaang ito,” ani Vice.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?