541

Dec 19, 2017 @ 13:26
By

Vic Sotto, ‘di atat sa karerahan sa box office ng 2017 MMFF

Mapanood lang ng marami ang pelikula niyang ‘Meant To Beh’ sa darating na Disyembre 25 para sa 2017 MMFF ang intensiyon ni Vic Sotto.

Ang ‘Meant To Beh’ ay kinabibilangan din nina Dawn Zulueta, JC Santos, Gabbi Garcia, Ruru Madrid, Sue Ramirez, Andrea Torres, Baeby Baste at Daniel Matsunaga, directed by Chris Martinez.

Wala na raw sa liga ni Vic ang makipagkarera sa mga kasamahan niyang entries sa MMFF para sa top-grosser line.

Ayon kay Vic, gusto lang niyang mapanood ng marami ang kanyang pelikula dahil sa kakaibang putaheng ini-offer ng movie.

Iba ang brand ng comedy ni Vic sa pelikula na malayo sa mga nauna niyang projects. Seriously-funny din ang tema ng movie tungkol sa problema ng pamilya na may magkakaibang upbringing at character.

Gumaganap sina Dawn at Vic na mag-asawa, anak nila sina JC, Gabbi at Baste. Parehong magkaiba ang pinanggalingang estado ng pamilya ang dalawa. Si Dawn bilang isang sosyalera, si Vic naman bilang isang jologs.

Dito nag-ugat ang conflict sa pamilya nila dahilan para maging magulo ang kanilang pagsasama na sinalihan pa ng mga gumaganap na third wheel na sina Andrea at Daniel.

Sabi ni Vic, marami ang makaka-relate sa pelikulang ito lalo’t napapanahon ang conflict na tema nito sa tunay na buhay ng ilang mga families.

Chill lang nga si Vic at parang hindi siya rush na i-promote nang todo ang kanyang movie.

Pero kinontra ito ni Vic at sabi’y todo rin ang promo ng movie niya para ipaalam sa lahat na meron silang magandang offer sa MMFF2017.

Kung noon raw laging sinasabi ni Vic na gusto niyang mapanood ng kanyang mga anak ang bawat pelikula niya lalo na ang MMFF movie entry niya, ngayon sa ‘Meant To Beh’ gusto niyang ang mga apo na niya ang makapanood ng pelikula.

Ibig sabihin, general patronage ang pelikula na puwede sa mga bata.

Samantala, dahil hindi pa puwedeng ipasyal sa mga malalayong lugar si baby Talitha, dito na muna sa Pinas magdadaos ng kanyang Pasko sina Vic at Pauleen kasama ang kanilang one month-old baby.

Hindi pa raw puwedeng irampa sa kung saan-saan si Baby Talitha ayon kay Vic. Saka na lang nila gagawin ang magbakasyon kapag higit sa dalawang buwan na ito.

Mga kapatid, pamilya ni Pauleen, mga anak at iba pang immediate family ang makakasama ni Vic sa kanilang Noche Buena ngayong Pasko.

Nagpaliwanag din si Vic sa iilan lang na kinuhang godparents sa binyag ni Talitha. Base kasi sa Instagram post ni Pauleen ng binyag ni Talitha, si Ruby Rodriguez lang ang celebrity ninang na nakita sa group photo opt sa binyagan.

Sabi ni Vic, tatlo o apat na godparents lang ang kinuha nila para sa bata. Maliban kay Ruby na super-close kay Pauleen, ang kapatid ni Vic, kapatid ni Pauleen at isa pang non-showbiz ang kinuha nilang godparents ng anak.

Piling-pili lang daw talaga ang kinuha nila gaya na lamang ng pagkuha nila ng godparents sa kanilang kasal na kokonti rin lang din.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?