96

Aug 15, 2018 @ 11:36
By

Vhong Navarro, pinuri ang galing ni Winwyn Marquez sa comedy

Ipinahayag ni Vhong Navarro na nagulat siya sa galing na ipinakita ni Winwyn Marquez sa kanilang pelikulang Unli Life na isa sa walong official entry sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) 2018 na magsisimula ngayong araw hanggang August 21.

Saad ng komedyante, “Nagulat po ako sa ipinakita niyang performance rito, kasi sa pagkakakilala ko po sa kanya bukod sa magaling sumayaw, siya’y gumaganap na kontrabida sa mga soap opera.

“Pero this time, noong inilabas niya ‘yung galing niya sa comedy, e, alam na alam na natin kung kanino nagmana, siyempre kay Tsong Joey. Nandoon ‘yung humor, wala akong masasabi, ‘yung sense of humor ng isang Joey Marquez, nai-share niya sa mga anak niya like si Vito (miyembro ng Hashtag), e, malakas din ang sense of humor.”

Dagdag pa ni Vhong, “Kumbaga si Wyn, hindi siya natatakot magtanong kung ano ang puwede pang gawin. Kasi iyon ang isa sa nakakabilib sa mga artista dahil ayaw mong magmukha kang inosente o tanga sa gagawin mo, kaya dapat kang magtanong kaysa nagpapanggap ka na hindi mo naman alam kung ano ang gagawin mo.”
Ito ang pagbabalik ni Vhong sa big screen. Sa pelikula, ginagampanan niya si Benedict, isang sikat na podcast DJ. Isa rin siyang mahigpit na karelasyon sa kanyang nobyang si Victoria, na nasasakal dahil sa pagkokontrol niya sa buhay nito.

Naisip ni Benedict mag-alok ng kasal kay Victoria, ngunit imbes na pumayag, nakipaghilaway si Victoria sa kanya. Durog ang puso at tuliro, napadpad siya sa isang bar na kung tawagin ay Turning Point. Dito niya makikilala si Mang Saro, ang bartender na nag-alok sa kanya ng alak na maaaring “makapagpabalik sa nakaraan upang itama ang kasalukuyan”.

Ngunit dahil sa isang pagkakamali, napapunta si Benedict sa panahong mas malayo pa sa kanyang inaasahan. At doon din nagsimula na magpasalin-salin siya sa iba’t ibang panahon, na sa bawat panahon na kanyang mapuntahan ay naroon din si Victoria. Pinilit niyang bawiin si Victoria kahit na madalas ay nagagapi siya ng mga pangyayaring hindi niya inaasahan. Dahil sa kanyang paglalakbay, matututunan niya ang isang aral na makakapagpabago ng kanyang buhay.

Ang Unli Life ay mula sa pamamahala ni Miko Livelo, tampok din dito sina Joey Marquez, Ejay Falcon, Donna Cariaga, Jon Lucas, Isabelle de Leon, Alex Calleja, Kamille Filoteo, Red Ollero with James Caraan, Anthony Andres, at Jun Urbano. May special participation dito sina Dimples Romana, Joem Bascon, Jun Subayton, Epy Quizon, at Jhong Hilario.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?