21

Jul 20, 2021 @ 18:23
By

VFA posibleng muling ma-extend

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na makausap ang mga opisyal ng gobyerno ng Amerika bago pagpasyahan ang pagpapalawig sa Visiting Forces Agreement (VFA).

Sa kanyang Talk to the People noong Lunes ng gabi, pahapyaw na binanggit ng Pangulo ang VFA extension habang nannggagalaiti sa inis kay dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.

Ayon sa Pangulo, magpapasya lamang ito sa posibleng pagpapalawig sa VFA kapag may nakausap itong opisyal mula sa tanggapan ng Presidente ng Amerika o kaya ay sa US State Department.

“Itong Visiting Forces Agreement, ang extension niyan is on deck, on the table. Ngayon, I just want to talk to some people in Washington, be it from the Office of the President or the State Department or the Defense Department,” anang Pangulo.

Matatandaang makailang beses na pinalawig ni Pangulong Duterte ang suspensyon ng VFA habang sinisikap ng Amerika at Pilipinas na plantsahin ang mga hindi pagkakaintindihan sa kasunduan.

Inabisuhan ng Pangulo ang Amerika noong Pebrero 2020 na ite-terminate ang VFA, gayunman sinuspinde niya ang pagbawi sa kasunduan noong Hunyo 2020 at muling sinuspinde noong Nobyembre 2020.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?