16

Dec 28, 2020 @ 16:08
By

VFA palit bakuna, ‘di blackmail – Palasyo

Hindi pamba-blackmail ang naging banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyang ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika kung hindi bibigyan ng COVID-19 vaccine ang bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na pinanindigan lamang ng Pangulo ang kanyang independent foreign policy at hindi maging sunud-sunuran sa gusto ng mga kaalyadong bansa.

Ang sabi aniya ng Pangulo, ang magkaibigan ay nagtutulungan lalo na ngayong panahon ng pamdemya.

“Hindi po ‘yan blackmail. Iyan po ang ibig sabihin ng independent foreign policy. Hindi po tayo sunud-sunuran, hindi po tayo didiktahan ng kahit sino. Dahil tayo ay magkakaibigan dapat magtulungan tayo. Kailangan namin ng vaccine, may vaccine kayo, bigyan n’yo kami,” ani Roque.

Hindi aniya dapat masamain ng Estados Unidos ang mga naging pahayag ni Pangulong Duterte dahil kilala naman itong diretsong magsalita.

“Huwag naman po nating masamain ‘yan dahil tapatan lang naman ang Presidente, diretso magsalita. Pati nga ‘yung kay Pemberton ano, eh tama naman na sabihin ng Presidente enough is enough, walang bakuna, walang VFA,” dagdag ni Roque.

Kung hindi rin lang mapagbibigyan ang kahilingan ng gobyerno, sinabi ni Roque na mas mabutig gawin na lamang ng Amerika ang VFA sa mga bansang naunang binigyan nila ng bakuna.

“Kinakailangan ninyo ang aming teritoryo para sa Visiting Forces Agreement, sige ibibigay namin ‘yan pero kung hindi ninyo naman kami bibigyan ng bakuna eh doon kayo mag-VFA sa mga bansang naunang binigyan n’yo ng bakuna. Di ba tama naman ‘yan,” wika ni Roque.

Pinuna ng ilang senador ang naging pahayag ng Pangulo na anila ay tila blackmail ito sa Amerika.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?