18

May 18, 2021 @ 15:07
By

VFA ng Amerika hahatulan ni Duterte

Pag-aaralang mabuti ni Pangulong Rodrigo Duterte kung itutuloy pa o tuluyang puputulin ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Estados Unidos.

Ito ay matapos marinig kay dating Senate President Juan Ponce Enrile kung paano tinatrato ng Amerika ang Pilipinas kahit pa sabihing matagal ng kaalyado ng bansa.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Presidente na hindi niya papayagang magpatuloy ang ganitong pagtrato ng Amerika sa Pilipinas lalo na sa kanyang administrasyon.

“I would like to just study very carefully with the coming of the renegotiation of the Visiting Forces Agreement. Something has got to give. It could not be a ‘ni ha, ni ho’ lang para sa atin.. at least in my time,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na minamaliit at ginagawang early warning detachment ng Amerika ang Pilipinas kaya ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ayaw niyang umapak sa Estados Unidos.

Makailang beses na aniya siyang inimbitahan ni dating US President Donald Trump na bumisita sa Amerika subalit tinanggihan niya ito dahil sa ganitong trato sa Pilipinas.

“President Trump invited me several times but I said for as long as you treat us like a something which is inferior, ginagawa mo kaming detachment ninyo. You are making the Philippines the sort of an early warning device detachment,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang inihayag ng Pangulo na kailangang magbayad na ang Amerika sa Pilipinas sa paggamit ng kanilang mga base sa bansa kung ayaw nilang bawiin nito ang VFA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?