26

Aug 14, 2021 @ 17:40
By

Vergeire: Imbestigasyon ‘di uurungan ng DOH

Hindi umano aatras ang Department of Health (DOH) sa anomang imbestigasyon na bubuksan laban sa ahensya kaugnay ng deficiencies sa kanilang P67 bilyon COVID funds na nabuking ng Commission on Audit (COA).

“We are open to all types of investigation. Hindi po kami aatras d’yan,” pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Sabado.

Bukod pa rito ay handa raw ang DOH na isumite ang lahat ng dokumento hinihingi ng COA sa mga nadiskubreng deficiencies sa nasabing pondo.

Pinagtanggol pa ni Vergeire ang naging paggamit ng ahensya sa pondo.

“Itong P67 billion na sinasabi well-accounted for lahat po iyan. Actually ang aming pera na nabigay nung nag-umpisa po ang pandemya, we were able to utilize almost 98% of that,” dagdag pa ng DOH official.

Nanawagan din siya sa publiko na huwag agad husgahan ng pagiging corrupt ang DOH dahil lang sa naturang isyu.

“Ang gusto ko lang pong sabihin sa ating mga kababayan na sana po ang panghuhusga gawin natin ‘pag kumpleto na po ang lahat ng ating nakikitang mga ebidensya. Ang ating Kagawaran ng Kalusugan ay patuloy na nagbibigay ng utmost na trabaho para sa ating mga kababayan at pagdating po sa kaperahan di kami gumagawa ng korapsyon,” aniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?