376

Oct 18, 2017 @ 16:43

Vendors sa ‘hepa lane’, sumugod sa Manila City Hall

Sumugod sa harap ng Manila City Hall (MCH) ang mga vendor na nagtitinda sa binansagang ‘hepa lane’ sa University Belt area sa lungsod ng Maynila.

Ito ay makaraang buwagin ng mga tauhan ng Department of Public Services ng MCH ang kanilang mga puwesto sa R. Papa at Morayta makaraan silang magbalikan doon kaninang umaga.

Una nang binuwag ng MCH ang ‘hepa lane’ dahil hindi umano nakakasunod ang mga tindahan doon ng mga pagkain sa Sanitation Code of the Philippines.

Bitbit ang mga placard, kinondena ng mga vendor si Manila Mayor Joseph Estrada dahil hindi umano nito itinataguyod ang kanilang karapatan sa kabuhayan.

Tinangka nilang makapasok sa loob ng city hall pero hindi sila nakaporma nang harangin ng mga pulis.

Matapos makapagdaos ng programa, kusa ring nilisan ng mga vendor ang harap ng MCH pero babalik umano sila para muling magdaos ng protesta. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?