167

Oct 25, 2017 @ 16:10

Vendor niratrat sa kariton, patay

Patay ang isang vendor na dating sangkot sa aktibidad ng iligal na droga at sinasabing may kaalitang drug pusher nang pagbabarilin ng riding in tandem habang natutulog sa isang kariton, na nakaparada sa bangketa sa Port Area, Manila bago maghatinggabi kamakalawa.

Mga tama ng bala sa noo at kanang pisngi ang ikinasawi ng biktimang si Sonny Boy Lapore, 48, residente ng Bagtas, Tanza, Cavite, at nagtitinda sa sidewalk sa Bonifacio Drive, kanto ng 16th Street sa Port Area.

Samantala, inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na mabilis na tumakas matapos ang krimen.

Batay sa ulat ni PO3 Michael Maraggun, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nabatid na dakong alas-11:45 ng gabi nang maganap ang krimen sa sidewalk kung saan nagtitinda ang biktima, at nagsisilbi na rin nitong tirahan habang siya ay nasa Maynila.

Lumilitaw na natutulog na ang biktima sa kanilang kariton, katabi ang kanyang kinakasamang si Emily Gabiola, 48, nang magising ang babae dahil sa malakas na putok ng baril.

Pagdilat umano ni Gabiola, nakita niyang patay na ang kinakasama, habang isang lalaki ang nasa tabi nito at may hawak na baril na isinusuksok sa kanyang baywang.

Mabilis ding sumakay ang suspek sa isang motorsiklo na minamaneho ng isa pang lalaking kasabwat nito sa krimen, at saka humarurot na upang tumakas.

Hinala ng mga awtoridad na may kinalaman sa iligal na droga ang pagpatay matapos na lumitaw sa kanilang imbestigasyon na ang biktima ay dating gumagamit ng iligal na droga, at nagsisilbi pang ‘runner’ o tagabili ng shabu ng ilang drug pushers.

Hinala naman ni Gabiola, na isang alyas ‘Aning’, na umano’y drug pusher, ang posibleng may kagagawan ng krimen dahil matagal na umano nitong pinagbabantaan ang buhay ng kinakasama.

Kuwento niya, matagal nang may alitan ang biktima at si Aning, na nag-ugat din sa kanilang illegal drug activities.

Sa kabila naman nito, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?