264

Nov 23, 2021 @ 18:51
By

VCM walang ‘Smartmagic,’ tama ang bilang – Comelec

Wala umanong dapat ipangamba ang publiko tungkol sa pagiging tama ng lalabas na resulta sa 2022 elections mula sa mga gagamiting vote-counting machine (VCM), ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, batay sa resulta noong 2019 elections ay 99.96% ang accuracy ng mga ginamit na VCM, na gawa ng kompanyang Smartmatic.

“It’s (VCMs) very, very accurate. Kung anong hinuhulog nyo sa VCM ay talaga pong naka-count siya… ‘Yung may mga nagbebenta dyan na kaya raw nilang palitan ‘yang result, hindi niyo po kayang palitan ‘yan,” saad ni Guanzon sa isang webinar ngayong Martes.

Para sa 2022 elections, gagamit ang Comelec ng mahigit 107,000 VCM, na muling isu-supply ng Smartmatic.

Ang naturang kompanya ang supplier ng mga VCM mula nang maging automated ang eleksyon sa Pilipinas noong 2010.

Ani Guanzon, sa halip na resulta ng VCM, ang mas bantayan umano ay ang vote-buying at ang banta ng terorismo sa panahon ng halalan.

“Ang bantayan po talaga natin ‘yung vote buying tsaka terrorism kasi ‘yung terrorism, para di na ‘yan bumoto, ‘yung mga tao ite-terrorize nila tas sila na yung magfi-fill up ng balota,” saad pa nito.

Gaganapin ang eleksyon sa Mayo 9, 2022, kung saan inaasahang boboto ang mahigit 66.9 milyon Pilipino ng kanilang susunod na mga lider.

“Everyone who can teach another voter should teach why this election is important, why it’s important not to sell their votes, and why we cannot afford to make a mistake. The future should rightfully belong to our people,” pagtatapos ni Guanzon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?