56

By

VCM ng Smartmatic, ibabasura ng DICT

Magdaraos ngayong Lunes ng umaga ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng kauna-unahang Techology Fair on Automated Election System (AES) sa pakikipagtulungan ng Commission on Elections (Comelec) sa tanggapan nito sa Diliman, Quezon City.

Ang pagbubukas ng nasabing programa ay pangungunahan ng bagong talagang si DICT Secretary Gregorio Honasan kung saan ipapakita dito ang ibat ibang automated election machines upang ipamalit sa voting counting machine (VCM) ng Smartmatic.

Ayon kay DICT Undersecretary Eliseo Rio, nasa 10 kumpanya ang lalahok upang magprisinta ng kanilang mga makina na posibleng gamitin sa mga darating na halalan kabilang na rin ang ilang mga dating natalo sa bidding.

Ito ay kinabibilangan ng Bapplware Technologies Inc.; Commission on Elections (Comelec) na pawang magpapakita ng kanilang mga concept/presentation habang may sariling mga booths naman ang mga magprepresentang Best Open Source Election System (BOSES); Precinct Automated Tallying System (PATAS); Department of Information and Communications Technology (DICT); VOATZ; Indra Philippines, Inc.; Smartmatic Philippines, Inc.; Global Sign at i-AID.

Aniya, bibigyan ng dalawampung minuto ang bawat kumpanya para maiprisinta ang kani-kanilang mga makina at susuriin ng mga piling kinatawan mula sa Comelec.

Inihanda rin ng DICT ang kanilang inirerekomendang voters tallying machine (VTM) na isang konsepto at dinebelop mismo ng DICT bilang tugon sa pagnanais ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan nang mapalitan ang makina ng Smartmatic.

Ipinagmamalaki ni Rio ang kanilang working model (system) na gawang Pinoy na VTM na kanilang binuo na aniyay makasisiguro ang publiko sa taglay nitong transparency at accuracy ng makina.

Iginiit pa ng opisyal na higit na mas mura ang VTM na isang manual counting subalit kasing bilis naman nito ang automated system kumpara sa VCM ng Smartmatic.

Bukod pa rito, inihalimbawa pa ng opisyal ang gastos ng VCM Smartmatic na tinatayang umaabot na sa P900 milyon noon sa pag imprenta pa lamang ng mga balota samantalang sa VTM ay aabot lamang ito ng hindi lalagpas sa P50 milyon sa pag imprenta ng mga balota.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?