43

Jun 23, 2022 @ 21:52
By

Vape bill pinabe-veto kay Duterte

Umaasa si Senadora Pia Cayetano na ibe-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Senate Bill No. 2239 o Vaporized Nicotine Products Regulation Act na mas kilala sa tawag na Vape bill dahil malalagay sa panganib ang kalusugan ng mga Pilipino sa oras na maging batas ito.

Sa isang press conference, tinuro ni Cayetano ang desisyon ng Supreme Court na nagbibigay ng kapangyarihan sa Food And Drug Administration (FDA) na i-regulate ang sigarilyo.

Sabi ni Cayetano, chair ng Senate committee on ways and means, ang pinal na bersyon ng panukala ay niratipikahan ng Kongreso noong pang Enero subalit nakabinbin ito ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“The decision is clear that the FDA must regulate all products that affect health. It makes it simpler if the President vetoes the bill. But from what I know the bill has not yet reached Malacañang,” sabi ni Cayetano.

“Allow the current president to do what he needs to do with it and, of course, our prayer is that it would be vetoed,” dagdag pa niya.

Si Cayetano ay isa sa dalawang senador na bumoto kontra sa Vape bill sa Senado.

Ikinatuwa naman ni Dr. Maricar Limpin, Executive Director of Framework Convention on Tobacco Control Alliance-Philippines at pangulo ng Philippine College of Physicians, ang desisyon ng SC nang pagtibayin nito ang mandato ng FDA bilang ahensiya na naatasang protektahan ang kalusugan ng mga Pinoy.

Kahit na malagdaan ang naturang panukala para maging batas, sinabi ni Limpin na kanilang kukuwestiyunin ang constitutionality ng panukala at ang Department of Trade and Industry na aaktong regulatory body ng health product na dapat ay sa ilalim ng hurisdiksyon ng FDA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?