383

Mar 5, 2020 @ 16:15
By

Van ni Kim Chiu sinadyang barilin

Target talaga ng riding-in-tandem ang sinasakyang van ng aktres na si Kim Chui mula sa paglabas nito sa subdivision saka pinaulanan ng bala ng baril pagdating sa stoplight ng Katipunan Avenue corner CP Garcia Avenue, Brgy. UP Campus, Quezon City, nitong Miyerkoles ng umaga.

Ito ang lumilitaw sa isinasagawang imbestigasyon ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) Kim Chui na pinamumunuan ni QCPD Deputy Director for Operation PCol. Enrico Vargas katuwang si P/Lt. Col Lucio Simangan Jr., base sa nakuhang CCTV footage.

Sinabi ni Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) chief P/Major Elmer Monsalve, base sa mga nakalap na CCTV footage, sinundan ng gunman ang sasakyan ni Kim Chiu na Hyundai H350 mula nang lumabas ito sa subdivision kung saan ito nakatira at pagsapit sa Katipunan Avenue corner CP Garcia Avenue. Brgy. UP Campus habang nakahinto ang sasakyan ay doon na isinagawa ang pamamaril ng mga suspek sakay ng motorsiklo.

“Kung papaano dumaan ‘yung sasakyan nitong aktres na si Kim Chui, makikita mo na nag-iisa lang siya. Tapos may biglang sumulpot na isang motor na naghihintay na doon sa subdivision,” ani Monsalve.

Sa ngayon, ani Monsalve ay patuloy pa ang kanilang pangangalap ng ebidensya para alamin kung ang insidente ay isang “mistaken identity” o napagkamalan lamang ang aktres.

“Mistaken identity talaga ang isa sa malakas na tinitingnang angulo ngayon ng SITG, bagama’t may mga bagong development sa kaso sa isinasagawang pagsisiyasat. Kasi kung titingnan mo naman si Kim Chiu, sa kanyang background at character, hindi mo makitaan ng mayroon siya nakagalit o nakatalo,” ayon pa sa hepe ng CIDU.

Inihayag pa ni Monsalve na nirerekober na nila ang footage ng aktuwal na lokasyon kung saan nangyari ang pamamaril sa aktres, pero malabo ang kuha ng CCTV na siyang nakalap ng QCPD at hindi mamukhaan ang mga suspek kaya panawagan ng SITG na kung sinuman sa mga motorista na may mga dash cam na nakakuha sa insidente at huwag matakot na makipagtulungan sa pulisya.

Kaugnay nito, binigyan ng security escort ng QCPD ang si Kim Chiu upang matiyak ang kaligtasan nito habang patuloy pa ang isinagawang imbestigasyon sa insidente.

“All possible angles will be looked into to establish the motive behind the strafing including that of case of ‘mistaken identity’. Aside from the testimony of eyewitnesses, our investigators are now gathering other pieces of evidence such as closed circuit televisions (CCTV) recordings that could have captured the shooting incident or the identity of the suspects.” ayon naman kay QCPD Director P/Brig General Ronnie Montejo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?