168

Sep 3, 2019 @ 14:42
By

Van nakaladkad ng PNR train, 7 sugatan

Sugatan ang pitong katao kabilang ang isang sanggol matapos mabangga ng tren ang isang van sa Calamba, Laguna, Martes ng umaga.

Ayon sa ulat ng Calamba City police, nasalpok ng tren ng Philippine National Railways (PNR) ang Nissan Urban habang ito ay papatawid sa riles sa Purok 6, Parian mag-aalas-singko ng umaga.

Nakaladkad ang van ng nasa may 50 metro at tumama sa mga bahay na nasa gilid ng riles.

Umabot sa anim na bahay ang napinsala at nahagip din ang isang nakaparadang tricycle.

Nasugatan ang driver ng van na si Jourdan Sancon at pasahero nito na si Miguel Guantero.

Bukod sa pitong buwan na sanggol, nasaktan din ang isang 2-taong gulang na lalaki, at ang mga may-ari ng bayan na sina Nilda Leonen Valmoria, Lea Chavez Manood, at Lorena Leonen na pawang nakahiga pa ng mangyari ang insidente.

Ayon kay Jeffrey Rodriguez, pinuno ng Public Order and Safety Officer ng Calamba City, sinabi nito na hindi huminto ang van sa train crossing kaya nasapol ang kaliwang bahagi nito ng tren na patungo sa direksyon ng Cabuyao.

Ayon naman sa driver, hindi niya napansin at nabulaga na lamang siya sa paparating na tren kahit pa sinabi ng mga nakasaksi na bumubusina naman ito.

Hindi naman huminto ang nakasagasang PNR train.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?