21

Dec 21, 2020 @ 14:28
By

Valenzuela gov’t ‘di aatras sa NLEX traffic issue

“Kung inaakala n’yo na tatahimik kami dahil sa fake news na pinakakalat n’yo, nagkakamali kayo.”

Bahagi ito ng pahayag ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian para sa nagpakalat sa Viber ng sabi-sabi hinggil sa kanyang pamilya, habang maugong ang isyu hinggil sa mabigat na trapiko sa North Luzon Expressway (NLEX) dulot ng pagpapatupad ng cashless payment system doon.

Punto ng alkalde, sa isang video message ngayong araw, imbes na magpakalat ng maling impormasyon ay dapat tumutok na lang sa paghanap ng solusyon sa trapiko ang mga may pakana sa kumalat na sabi-sabi.

“Nitong nakalipas na weekend, kaliwa’t kanang fake news tungkol sa akin, sa aking pamilya, at sa lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang pinakalat sa iba’t ibang mga Viber chat groups,” ani Gatchalian.

“Nakakalungkot isipin na sa halip na gamitin ang kanilang enerhiya at oras para hanapan ng solusyon ang matindinf traffic sa highway na ito, at bigyang-pansin ang pagbibigay-daan ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela na magkaroon ng makabuluhang solusyon ang traffic problem sa NLEX, mas pinili pa ng nasa likod ng paninirang ito na magkalat ng samu’t saring kuwentong kutsero,” dagdag niya.

Sa palagay ng alkalde, hindi nagustuhan ng nagpakalat ng sabi-sabi ang pagtuligsa nila sa “bulok nang RFID (radio-frequency identification) at pamamalakad sa highway.”

Malamang aniya, nabawasan ang “bilyon-bilyon nilang kita” dahil nilabanan ng Valenzuela government ang “pagkukulang nila sa mga motorista.”

“Ang sagot ko [sa] kung sinumang nagpapakalat ng fake news na ito: patuloy na magsasalita ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela laban sa pandarambong na ginawa n’yo sa aming motorista,” ayon sa mayor.

“Hindi kami matatakot. Hindi kami mai-intimidate. Hindi kami aatras sa labang ito hanggang sa mabigay n’yo ang permanenteng solusyon.”

“Kung inaakala n’yo na tatahimik kami dahil sa fake news na pinakakalat n’yo, nagkakamali kayo. Kapakanan lamang ng mga motorista at ng taong bayan ang tanging hangad ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela. Titigil lang kami kapag may solusyon na, kaya kung ako sa inyo, ‘wag n’yo nang aksayain ang panahon n’yo, at ‘wag ninyo nang ilihis ang atensyon ng taong bayan. Humanap na kayo ng totoong solusyon!” giit niya pa.

Kumalat sa Viber na pinagkainteresan umano ng pamilya Gatchalian ang isang-ektaryang lupain sa lungsod na pag-aari pala ng Maynilad. Binili umano ito ng huli ng P100 milyon pero ang alok lang umano ng pamilya ay P500,000.

Punto ni Gatchalian, ang tinutukoy na property ay hindi binili ng kanyang pamilya kundi in-expropriate ng lokal na pamahalaan mula sa isang dating konsehal para gawing paaralan.

Doon na lang din aniya napag-alaman sa korte na ang lupa ay pagmamay-ari pala ng Maynilad. Ang Maynilad at NLEX Corp. ay parehong nasa ilalim ng MVP group of companies.

Samantala, tinanggi na ni Metro Pacific Investments Corp. chairman Manuel V. Pangilinan na galing sa kanila ang kumalat na pahayag.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?