117

Oct 15, 2017 @ 16:22

UV Express operator binaril sa ulo

Upang masigurong dedbol, sa mismong ulo tinaniman ng bala ng baril ang operator ng UV Express ng dalawang hindi nakilalang lalaki na magka-angkas sa isang motorsiklo sa Quezon City.

Ang biktima ay kinilalang si Matias Cuya, 53, may-asawa, na nakatira sa No. 13 Block A, Sto. Niño St., Brgy. San Antonio, QC.

Nabatid mula kay PO3 George Caculba, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-10:20 ng gabi habang nakatayo ang biktima malapit sa kanyang sasakyan nang dumating ang dalawang suspek na magka-angkas sa motorsiklo.

Nilapitan ng dalawa ang biktima at binaril sa ulo at katawan na nagresulta ng agaran nitong kamatayan.

Ayon sa isang kaibigan ng biktima, kasalukuyang chairman ng kooperatiba ng UV Express sa isang mall sa Quezon City si Cuya at dati ring taxi driver na nagkaroon ng katungkulan sa isang asosasyon ng mga taxi driver.

Inamin ng kaibigan ng biktima na may mabigat at malalim na dahilan kung bakit nangyari ang insidente ngunit tumanggi itong idetalye at ipaliwanag ang kanyang nalalaman sa likod ng krimen.

Nabatid na walang CCTV sa pinangyarihan ng krimen at tikom din ang bibig ng mga residente rito, ngunit sinabing mabait at walang kaaway ang biktima sa kanilang lugar.

Hinala ng pulisya, na maaaring may kinalaman sa pagiging opisyal ng biktima sa kanilang asosasyon ang pagkakapaslang dito.

Nagsasagawa pa rin ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng QCPD para mabatid ang tunay na motibo sa krimen at madakip ang nakatakas na mga suspek. (Dolly Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?