63
ABANTE mrt stranded pasahero
Jan 28, 2018 @ 16:35

UV Express aalalay sa mga stranded na MRT commuters

Asahan na may makikita ng UV express sa bawat istasyon ng Metro Rail Transit-Line 3 (MRT-3) simula ngayong Lunes matapos tiyakin ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na nakipag-ugnayan na sila sa ilang pribadong operator ng UV Express para umalalay sa mga commuters at upang mabawasan na rin ang siksikan sa loob ng tren.

Pinayagan na kasi ng DOTR ang pagpapasakay at pagpapababa ng ilang UV express sa mga lugar na kung saan maraming pasahero ang MRT, ayon kay DOTr Assistant Secretary Elvira Medina.

Dagdag pa nito, mayroon nang kausap ang DOTr na tatakbo sa mga istasyon ng MRT na magsasakay at magbababa ng mga pasahero na hindi katulad ng point-to-point bus na isa lang ang binabababaan at sinasakyan ng mga pasahero na hindi na convenient sa kanila.

Sa kabila nito, tiniyak ng DOTr na mababawasan na ngayong Lunes ang dami ng mga pasahero ng MRT dahil sa katuwang na UV express subalit aalisin din ang mga ito sakaling naayos na ang sistema ng MRT.

“Tatakbo ang programa habang ginagawan ng DOTr ng solusyon ang mga problema sa MRT”, ayon kay Medina.

Matatandaang naging sunud-sunod ang pagtirik ng MRT na kung saan ay kamot ulo at pagpapasensya na lang umano ang ginagawa ng mga pasahero.

Sa paglalagay ng UV Express, sinabi ni Medina na makakatulong ito para pasahero ng MRT lalo na sa panahon ng nagkakaroon ng aberye sa mga tren ng MRT. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?