28

Sep 14, 2021 @ 17:57
By

Utos ni Duterte sa Cabinet members may basehan – Roque

May basehang legal ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag padaluhin sa imbestigasyon ng Kongreso ang kanyang mga gabinete kung inaakalang hina-harass at pinapahiya ang mga ito.

Ito ang paniniwala ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos ihayag ng Presidente na dadaan muna sa kanya ang desisyon kung padadaluhin o hindi ang inimbitahang opisyal ng ehekutibo sa ano mang pagdinig ng Kongreso.

Ayon kay Roque, may desisyon na ang Korte Suprema sa ganitong isyu noong panahon ng Arroyo administration matapos gisahin ng husto ng Senado si dating National Economic and Development Authority (NEDA) secretary Romulo Neri sa isyu ng ZTE deal.

Sinabi ni Roque na malinaw ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman na hindi maaaring i-contempt kapag hindi nakadalo sa hearing ng Senado ang isang miyembro ng gabinete.

“There is a legal basis for that kung gagawin yan ng Presidente. He could. We have a decision in Neri vs. Senate where the Supreme Court said na talagang hindi dapat i-contempt kapag hindi pina-attend sa isang hearing ang isang miyembro ng gabinete,” ani Roque.

Matatandaang naglabas ng Executive Order 464 noon si dating Pangulong Gloria Arroyo para huwag dumalo sa hearing ng senado ang kanyang mga gabinete kaugnay sa kontrobersiyang nilikha ng NBN-ZTE deal sa pagitan ng gobyerno at China na hindi na natuloy.

Hindi nagugustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginagawang imbestigasyon ng komite ni Senador Dick Gordon sa mga gabinete partikular ang mga opisyal ng Department of Health kaugnay sa hindi nagamit na pondo ng ahensiya para sa COVID-19 at sa biniling medical equipments na umano’y overpriced subalit itinanggi naman ito ng ehekutibo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?