69

Dec 27, 2019 @ 11:00

Utos ng ceasefire ng gov’t natanggap na ng NDFP

Nakatanggap na ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ng Communist Party of the Philippines (CPP) ng mga kopya ng written ceasefire orders ng gobyerno.

Sabi ni NDFP Chairperson Fidel Agcaoili, alas-3:54 ng hapon (Philippine time) noong Disyembre 26 nang matanggap nila ang mga kopya ng Suspension of Offensive Military Operations (SOMO) at Suspension of Offensive Police Operations (SOPO) mula kay Labor Secretary at government peace negotiator Silvestre Bello III.

“We hope that from here on the unilateral and reciprocal ceasefires declared by the two Parties shall proceed effectively,” ani Agcaoili sa isang press release nitong Biyernes, Disyembre 27.

Disyembre 24 inisyu ni Armed Forces Chief of Staff Lt. Gen. Noel Clement ang SOMO, habang Disyembre 22 naman inisyu ni PNP Officer-in-Charge Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa ang SOPO.

Samantala, ayon din sa press release, nag-isyu ang PNP ng stand-down-order sa pulisya noong Disyembre 23, bilang pagsunod sa memorandum ni Interior Secretary Eduardo Año.

Noong Linggo inapruba ni Presidente Rodrigo Duterte ang mungkahi ng government peace panel at NDFP para sa holiday ceasefire.

Disyembre 22 naglabas ang CPP ng ceasefire order nito para sa kanilang hukbo na New People’s Army (NPA).

Ayon sa ceasefire orders, dapat magsimula ang tigil-putukan noong alas-12:01 ng umaga, Disyembre 23 at magtatapos sa alas-11:59 ng gabi, Enero 7.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?