201

Nov 2, 2017 @ 18:13

Utol isinuplong ng ate, shabu isinuko

Hindi kinunsinti at isinuplong ng isang ate ang kanyang nakababatang kapatid nang magtungo ito sa himpilan ng pulisya dahil sa pagtutulak umano ng ipinagbabawal na gamot at bilang katunayan ay isinuko nito ang ilang sachet ng shabu na nahulog sa bulsa ng utol niya sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni PO1 Deo Joe Dador Salcedo, ng Caloocan City Police-Station Investigation Division and Management Branch, ganap umanong alas-kuwatro ng hapon nang magtungo sa kanilang himpilan si Edlyn Glean, 23-anyos, dalaga at residente ng Block 28, Phase 3-F1, Barangay 14, Dagat-Dagatan ng nasabing lungsod.

Ito’y upang isuko ang nasa tatlong sachet ng shabu na inaalam pa ang dami ng bawat isa at isuplong na rin ang kanyang utol na si Eduardo Glean, 20, binata, ng pareho ring lugar, bago pa man mapahamak ang kanyang kapatid sa ginagawa nito.

Bago nito, nakikipag-inuman umano ang kanyang kapatid sa barkada nito na mga kapitbahay nila at habang abala sa pagtagay ay hindi namalayan ni Eduardo na may nahulog na pala sa kanyang bulsa na sachet, agad itong dinampot ni Edlyn at nang makitang tila shabu iyon ay mabilis na nagtungo sa pulisya upang isuko ito.

Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enfocement Agency (PDEA) ang mga tauhan ng nasabing himpilan upang makapagsagawa ng operasyon sa ikadadakip ni Eduardo. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?