61

Nov 30, 2021 @ 13:47

Utak ng ‘Wahana’ investment scam tiklo

Nadakip ang isang babaeng sinasabing isa sa mga utak ng Wahana investment scam sa Fairview, Quezon City.

Ayon sa ulat ng Unang Balita ngayong Martes, ilang taon nang nagtatago sa mga awtoridad ang suspek na si Maria Raisa Yap, na wanted sa 82 counts ng estafa.

Nahuli kasama niya ang asawa at dating pulis na si Michael Yap.

“Nag-conduct tayo ng manhunt operation against sa co-founder ng Wahana investment scam at luckily with the help of the AFP counterpart, na-locate natin at naaresto, sinerve natin ang warrant of arrest against Raisa Yap,” pahayag ni Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG NCR) chief Police Colonel Randy Glenn Silvio.

Sa naturang investment scam umano ay nabiktima ng suspek ang ilang pulis at sundalo, kung saan milyon-milyong piso ang kanilang nakuha.

Itinanggi naman ni Maria Raisa ang paratang, habang ang asawang si Michael ay nagsabing biktima lang siya ng scam.

“Wala po ako talagang kasalanan. Nadamay lang ako sa asawa ko po. Doon sa Wahana daw po naglagay daw siya ng pera doon pero hindi po ako involved doon po. Malinis ang konsensiya ko. Wala akong kinalaman,” pahayag ni Maria Raisa.

Bukod sa mag-asawa, inaresto rin ang kamag-anak nila na si Dante Paradas.

Patuloy na umaandar ang imbestigasyon tungkol sa mga suspek. (mjd)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?