63

Oct 19, 2017 @ 16:54

UST, may pananagutan sa Atio case — Chiz

Maaaring papanagutin sa batas ang University of Sto. Tomas (UST) sa pagkamatay ni Horacio ‘Atio’ Castillo III.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero kasabay ng pagpapahayag ng pagkadismaya sa aksyon ng unibersidad dahil sa walang naging pakialam sa pagkamatay ni Castillo.

“Para silang walang pakialam, nakakadis-appoint. Sila pa naman ay religious school, sila ang dapat nagbibigay ng magandang ehemplo,” saad ni Escudero.

Sinabi ni Escudero na maaaring sampahan ng civil at criminal case ang unibersidad.

“Every criminal case filed carries civil liability, ang estudyante kapag sila ay nakasuhan, may civil liability ang eskwelahan. Ang UST kapag napatunayan, maaari silang utusan ng korte na magbayad ng danyos sa magulang ni Atio,” saad ni Escudero.

Puna pa ni Escudero, maliban sa mga opisyal ng UST Faculty of Civil Law ay wala man lang mga opisyal ng UST mismo ang tumatayo at nagsasalita ukol sa nangyari.

Hanggang ngayon ay wala ring nakikita si Escudero na konkretong hakbang na ginagawa ng UST para tumulong na mabigyan ng hustisya si Atio. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?