77

Oct 19, 2017 @ 17:29

UST Law Dean: Huwag idamay ang UST

Umapela si University of Sto. Tomas Law Dean Nilo Divina na huwag idawit ang buong UST at law community nito kaugnay ng pagkasawi ni Horatio Atio Castillo sa hazing rites ng Aegis Juris fraternity.

Sa panayam ng DZBB, binigyang-diin ni Divina, na ilang estudyante lamang ng kanilang law school ang isinasangkot sa pagkamatay ni Atio at hindi ang buong unibersidad at mga mag-aaral nito.

“There are 780 students sa UST law school. Ilan ba yung involved? Kaunti lang naman. They do not speak for the Faculty of Civil Law,” ayon kay Divina.

Kaisa naman umano sila sa paghahangad na mapanagot ang mga nakapatay kay Atio at ang diumano ay nagplanong mag-cover up.

“Iyong mga nagkamali dapat patawan ng parusa. Pero hindi ibig sabihin ay lahat na lang na nasa UST masamang tao, na lahat na lang sa UST ay gumawa ng krimen,” mariing pahayag ni Divina.

Ipinaliwanag din nito na wala na sa UST ang pito sa mga nadidiin sa pagkasawi ni Castillo.

Nasipa na umano sa UST ang mga iyon dahil may mga lagpak na grado.

Samantala, hindi na aniya pumasok sa kanilang Law school ang kanilang mga estudyante na kasapi ng Aegis Juris fraternity.

Sumalag naman sa paratang na nagkulang siya sa pagtugon sa sinapit ni Atio nung malaman ito nung mismong araw na napatay ito sa hazing.

Sadya lang umanong kulang ang naiparating sa kaniyang impormasyon ukol sa initiation rites. Isaac Mendez

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?