38

Oct 19, 2017 @ 17:00

UST, lagot sa sinapit ni Atio

Pinananagot ng mga senador ang University of Sto. Tomas (UST) sa pagkasawi sa fraternity hazing ng kanilang freshman law student na si Horatio “Atio” Castillo.

Sinabi ni Senador Chiz Escudero na may pananagutang sibil ang UST para sa kapabayaan dahil hindi binantayan ang galaw ng Aegis Juris fraternity na nagsailalim kay Atio sa hazing rites.

Para sa kasong sibil, dapat nilang bayaran ng danyos ang pamilya ni Atio.

Sabi pa ng senador, mayroon din aniyang pananagutang kriminal ang unibersidad dahil hindi sinunod ang utos ng Republic Act 8049 o Anti Hazing Law na magpadala ito ng hanggang dalawang kinatawan sa initiation rites ng fraternity.

“Under the Civil Code, yes, they are civilly liable. Criminally liable, if at all, dahil may kapabayaan. Hindi ba nila nalaman, hindi nila alam, at hindi ba dapat mayroon silang kinatawan sa anumang initiation na isinasagawa ng fratenity sa kanilang eskwelahan,” diin ng senador.

Ayon kay Escudero, hindi maaring ikatwiran na hindi accredited ng UST ngayong taon ang Aegis Juris at hindi nila alam ang galaw nito dahil lantad ang fraternity sa eskwelahan, gumagamit ng pasilidad ng UST, kasapi nito ang dekano ng UST Civil Law School na si Dean Nilo Divina, nakarugtong ang website ng fraternity sa website ng UST at nakakapag-recruit pa sila ng mga myembro sa unibersidad.

Binatikos naman ni Escudero ang UST sa pananahimik at kawalang aksyon sa nangyari kay Atio mula noong masawi ito sa hazing rites nung Setyembre 17.

“Parang wala silang walang pakialam. Nakaka-disappoint. Sila pa naman ay religious school. Sila dapat ang nagbibigay ng ehemplo sa pagresolba sa krimen na ito. Nakakadismaya, nakakadisappoint.” Ani Escudero.

Sinisi rin ni Senador Sherwin Gatchalian ang UST sa nangyari kay Atio dahil sa kapabayaan at hindi aktibong pagbabantay sa mga fraternity.

“They should have been pro-active in monitoring these organizations, fraternities. Accredited sila (Aegis Juris) for almost 30 years,” ayon kay Gatchalian. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?