30

Oct 2, 2017 @ 13:40

Uso ang fake news

By Jeane Lacorte

Naloko na ang masisigasig na tagasubaybay ng mga bangayan sa pulitika, lalo na sa usapin ng umano’y tagong yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sakay na sakay pa naman na ang mga kritiko ng gobyerno sa sinasabing pagkakaroon ni Pangulong Digong ng milyun-milyong bank deposits dahil nakaladkad dito ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na siya umanong pinanggalingan ng mga dokumento.

Pero papaano ngayong tumatanggi ang AMLC at iginigiit na hindi sa kanila nanggaling ang mga dokumentong ibinabalandra ng kampo ni Senador Antonio Trillanes?

Mismong ang AMLC ang nagbigay ng ganitong pahayag: “We have yet to evaluate the request, and the initiation of an investigation, as well as the release of any report on the subject will depend on such evaluation.”

Malinaw sa pahayag na ito ng AMLC na wala pang kumpirmasyon sa pinagpipiyestahang bank deposits ni PDigong.

Hay naku, sobrang nakakalito na talaga ang mga kumakalat ngayong impormasyon lalo na sa mga isyung may kaugnayan sa pulitika.

Parang ang hirap nang maniwala sa naglalabasang mga impormasyon dahil pagkatapos pagpiyestahan ay nagkakabawian ng kuwento na parang wala lang gayong matinding danyos at pagkasira ang inaabot ng mga target na personalidad.

Ibig bang sabihin nito ay may kutsabahang nangyari sa pagitan ni Senador Trillanes at overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang na nagsusulong ngayon na maibestigahan ang bank deposits ni Pangulong Digong?

***

Marami ang turn-off sa ugali ng isang chief of staff ng isang mayor sa Metro Manila.

Papaanong hindi ka matu-turn-off aba’y diskarte raw ng COS na ito ng isang mayor mula sa sikat na lungsod sa Metro Manila ay ikutan ang mga service department sa lungsod upang humirit ng pagkakakitaan sa mga nakatalagang opisyal.

Pero dahil walang saltong mga gawain ang mga hepe sapagkat mahigpit nilang ipinatutupad ang good governance policy ni Mayor ay walang mahita si COS.

Kaya naman pilit nitong pinagagawa ng pagkakakitaan ang mga hepe para ihatag sa kanya.

Pati nga raw sa mga bidding ng mga procurement ng lungsod ay si COS na isa rin palang abogado ang humaharap sa mga contractor upang maihirit ang kanyang maitim na pakay. Ang gusto raw ni COS ay laging may overprice para sa kanya. Aba, Mayor masyadong delikado ang COS mo, mag-ingat at baka sumabog ang ginagawa ng katiwaldas niyo sa mga kamay mo nang wala kang kamalay-malay!

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?