8
sung-kim
By

US, nagbigay ng P182-M sa Marawi rehab

Sharing is caring!

Dinagdagan ng Amerika ng $3.5 milyon o P182 milyon ang ambag nito sa rehabilitasyon ng Marawi City na nilusob ng mga terorista noong nakaraang taon.

Sinabi ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim, gagamitin ito sa konstruksiyon ng mga transitional shelter, pagpapakumpuni ng water at sanitation facilities, sa psycho-social support at pagtatayo ng ligtas na lugar para maprotektahan ang kababaihan at mga bata mula sa pag-abuso at karahasan.

Makakatulong umano ang dagdag nilang tulong sa may 58,000 na nawalan ng tirahan at naapektuhan ng naging sigalot sa Marawi City at mga karatig lugar.

Kasama ang inihayag na halaga, sinabi ni Kim na umabot na sa $26.4 million o P1.4 bilyon ang kontribusyon ng pamahalaang Amerika sa rehabilitasyon ng Marawi City.

Tiniyak na masusundan pa ang kanilang itinutulong dito sa Pilipinas.

“US assistance is directly used to support ongoing emergency relief operations as well as longer term stabilization and rehabilitation for Marawi City and surrounding areas. This is a very important work. We have to do more in the coming years,” pagtiyak ni Kim.

Matatandaan na Mayo 23 noong nakaraang taon, nilusob ang Marawi ng Maute group na may kaugnayan umano sa teroristang ISIS.

Halos 1,000 ang nasawing bandido, pulis, sundalo at sibilyan sa bakbakan habang libo-libo naman ang nawalan ng tirahan dahil halos mapulbos ang siyudad dahil sa mga bombahan at bakbakan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?