US jail officers, kulong matapos mamatayan ng preso dahil sa pagkauhaw

Sharing is caring!

Pinatawan ng parusa ang tatlong US jail officers kaugnay sa pagkamatay dahil sa dehydration ng preso nito na may sakit sa pag-iisip.

Ayon sa abogado ng pamilya ng biktima, tinorture ito hanggang sa mamatay sa pagkauhaw.

Tinanggalan kasi ng tubig sa kanyang selda sa Milwaukee, Wisconsin si Terrill Thomas, 38, isang African American, na may bipolar disorder, bilang parusa dahil umano sa pagiging maingay nito.

Makalipas ang pitong araw, namatay si Thomas matapos manghina at mabawasan ng timbang ng 15 kilo dahil sa kawalan ng tubig sa katawan.

Nakulong ang biktima dahil sa pamamaril kung saan may tinamaan sa dibdib.

Makaraan nito ay pumasok naman ito sa casino at nagpaulan din ng bala kaya’t inaresto.

Makalipas ang dalawang taon mula nang mamatay si Thomas ng Abril 2016, hinatulan si Nancy Evans, isang facility commander na nagsinungaling at nagtago umano ng video kung saan makikita ang selda ng biktima na pinagkaitan ng tubig.

Mahaharap ito sa mahigit apat na taon na pagkakakulong.

Samantala, higit tatlong taon naman sa rehas sina Kaskha Meadors at James Ramsey-Guy, na siyang nag-abandona sa biktima hanggang sa mamatay.

Hiwalay pa umano ito sa civil rights lawsuit na isinampa ng pamilya dahil sa madalas nang pagtanggal ng suplay ng tubig sa naturang kulungan na alam ng mga opisyal nito. (AFP)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?