15

Mar 5, 2021 @ 18:08
By

US handang bigyang armas ang ‘Pinas, VFA posibleng magpatuloy

Tiwala si Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na mananatili ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa kabila ng banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na puputulin ito kung hindi magbayad ang Amerika .

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Romualdez na mayroong taunang bilateral strategic meeting ang National Security Advisor ng White House at nakausap nila si Jake Sullivan.

Sinabi ng embahador na napag-usapan ang VFA at Mutual Dense Treaty kung saan mayroong commitment ang Amerika na ibigay ang mga armas at hardware na kailangan ng bansa.

“Mayroon kaming nakuhang lista na ibinigay sa amin ng Pentagon. Ikinumpara namin sa listed na ipinadala nila kay Secretary Lorenzana at mukhang sapat naman lahat ng hinihingi natin,” ani Romualdez.

Sinabi ng embahador na marami pang darating na mga armas o hardware na kailangan ng bansa mula sa Amerika at umaasang matugunan ang concern ni Pangulong Duterte para sa kapakanan ng Armed Forces of the Philippines.

“Hopefully nakita na ng Presidente iyong listahan kay Secretary Lorenzana, and that would probably satisfy the President’s concern regarding itong pag-modernize ng ating Armed Forces,” dagdag ni Romualdez.

Kabilang sa mga inaasahang darating sa bansa mula sa Amerika ngayong taon ay 10 Blackhawk helicopters.

Matatandaang nagbanta ang Pangulo na ite-terminate ang VFA sa Amerika kung ayaw nilang magbayad sa paggamit sa mga pasilidad sa bansa.

Pero hindi aniya pera ang kailangan ng bansa kundi mga kagamitan na magagamit ng Pilipinas sakaling magkaroon ng banta laban sa ibang mga bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: ,