498

Sep 26, 2021 @ 11:19
By

Upperclasman na bumanat sa nasawing PNPA cadet yayariin ni Eleazar

Tiniyak ni Philippine National Police chief General Guillermo Lorenzo Eleazar na mananagot ang salarin sa pagkamatay ng isang PNP Academy cadet matapos nitong paliguan ng suntok.

Ani Eleazar, kasalukuyang nasa kustodiya na ng Silang Municipal Police Station ang suspek na si Cadet Second Class Steve Ceasar Maingat na siya umanong namuro ng bugbog kay Cadet Third Class George Carl Magsayo dahilan para masawi ito.

“Haharapin ng suspek na ito ang mga kaukulang kaso na nakatakdang isampa laban sa kaniya batay sa mga magiging resulta ng imbestigasyon,” anang hepe sa isang pahayag.

Ani Eleazar, kasalukuyang hinahanda na ng mga imbestigador ang ihahaing reklamo kay Maingat sa Lunes, Sept. 27.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang PNP offcial sa mga kadeteng lumalabag pa rin sa anti-hazing law.

“Nakalulungkot na may mga ganito na namang trahediyang naganap dahil may iilan pa ring kadete na matitigas ang ulo at hindi pa rin naiintindihan ang mga patakaran at batas lalo na sa anti-hazing law,” ani Eleazar.

“Ipinaabot ko sa pamilya ni Third Class Magsayo ang taos-pusong pakikiramay at kasabay nito ang pagtitiyak ng masusing imbestigasyon sa ngalan ng katotohanan at hustisya,” dagdag pa niya.

Ayon sa ulat, nasawi nitong Huwebes si Magsayo matapos paulit-ulitn na sikmuraan ni Maingat.

Sinugod pa umano ito sa ospital ngunit idenaklara nang dead on arrival. (VA)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?