29

By

Update: Laboratoryo ng shabu sa Malabon, sinalakay ng PDEA

Sharing is caring!

Isang illegal drug laboratory na pinapatakbo ng international Chinese syndicate ang sinalakay ng mga alagad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasama ang mga tauhan ng pulisya sa lungsod ng Malabon kaninang umaga.

Alas-siyete ng umaga nang salakayin ng PDEA kasama ang mga tauhan ng Malabon City Police ang isang lumang gusali na matatagpuan sa kahabaan ng Dela Cruz Street, Barangay Tinajeros ng nasabing lungsod na malapit lang sa barangay hall ng nasabing lugar.

Naaresto sa nasabing operasyon ang umano’y lider ng Dragonwood Syndicate na si John Ming Shen o Xie Jiangsheng at driver nitong si Lauro Santiago.

Tumambad sa mga awtoridad ang samu’t saring mga apparatus, mga tableta ng ecstacy at iba’t ibang mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng methamphetamine hydrocloride o shabu at ecstacy, ayon kay PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino.

Aniya, may kaugnayan umano ang nasabing operasyon sa sinalakay ding shabu laboratory sa Sto. Niño, Batangas noong Huwebes kung saan apat namang Chinese national at apat na Filipino ang naaresto.

Nabatid na unang pagkakataon itong nakasakote ang mga awtoridad ng drug laboratory na nakatuon sa produksiyon ng ecstacy.

Nakabase umano ang Dragonwood Syndicate sa Hong Kong na may kaugnayan din sa sinalakay na laboratoryo ng Golden Triangle Drug Cartel na nag-o-operate naman sa Myanmar, Laos at Thailand.

Sa ngayon patuloy pa rin ang isinasagawang imbentaryo ng mga tauhan ng PDEA sa mga nakumpiskang mga kemikal at apparatus.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?