47

By

Update: 4 Chinese, 4 Pinoy nalambat sa sinalakay na shabu lab

Sharing is caring!

Ni-raid ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang isang sakahan sa Batangas na pinagtayuan ng shabu laboratory at naaresto ang apat na chemist na Chinese national at apat na Pinoy ngayong Huwebes ng umaga.

Kinilala ni PDEA Director Aaron Aquino ang mga nadakip na suspek na sina Tiang Baoquan, Gui Zixing, Hong Dy, Xie Jiansheng, pawang mga chemist, at Chinese national, gayundin ang mga Pinoy na sina Eduadro Lorenzo, Rasalio Cesar, Amancio Gallarde at Nestor Baguio, na mga tauhan sa loob ng farm.

Si Jiansheng ay nadakip sa follow-up operation sa Tagaytay City habang ang pito ay naaresto sa loob ng Hinosa Farm.

Bago ang pagsalakay ay nakatanggap ang mga operatiba ng impormasyon mula Chinese counterparts hinggil sa kinaroroonan ng shabu lab na makikita sa loob ng Hinosa Farm sa Barangay Sto. Niño, Ibaan, Batangas.

Ayon kay Aquino, ilang araw na nilang tinatrabaho ang natanggap nilang impormasyon hanggang isagawa nila ang pagsalakay at naaktuhan pang nagtitimpla ng iba’t ibang liquid chemical ang mga inarestong chemist.

Sinabi ni Aquino, ito na ang pinakamalaking shabu laboratory na nasalakay nila dahil kayang gumawa ng 25 kilo ng droga dito araw-araw kung hindi nila natuklasan.

“Ito ang pinakamalaking shabu lab na na-neutralized natin sa ating bansa, kung nagtagumpay ang mga miyembro ng sindikato nito ay maraming buhay at kinabukasan ang mapapariwara,” sabi ni Aquino.

May lawak na 1.3 ektarya ang Hinosa Farm na may mga babuyan at manukan upang hindi mapansin ng mga residente na may shabu laboratory sa loob nito.

Dram-dram na liquid chemical, lutuan, high tech na laboratoryo at iba-ibang sangkap sa paggawa ng droga ang nabawi ng mga tauhan ng PDEA.

Inihayag ni Aquino, habang isinasagawa nila ang raid sa Hinosa Farm ay may pagsalakay ding isinasagawa ang kanilang mga counterpart sa China na may kaugnayan sa tatlong chemist na naaresto mula sa mainland China.

Ayon sa apat na Pinoy na kasamang naaresto, hindi nila alam na laboratoryo ng shabu ang gagawin sa lugar ng apat na dayuhan at sinabing tatlong linggo pa lamang silang nangungupahan sa nasabing farm.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?