9,784
roque-1
By

UNHRC walang kuwenta, hindi kayang magpakulong – Roque

Hindi dapat na pag-aksayahan ng panahon ng gobyerno ang ipinasang resolusyon sa United Nations para mag-imbestiga sa war on drugs ng Pilipinas.

Ito ang inihayag ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na isa ring international law expert matapos pagbotohan ng UNHRC members ang resolusyong inihain ng Iceland.

Sinabi ni Roque na walang kapangyarihan ang UNHRC dahil hindi ito husgado kaya’t walang kakayahang magpakulong.

Ang tangi aniyang papel ng UNHRC ay magmonitor kung sinusunod ng mga bansang miyembro ng UN ang pinasok na kasunduan at responsibilidad.

“Hindi natin dapat pag-aksayahan ng panahon ‘yan. Ang Human Rights Council ay walang kapangyarihan ‘yan. Yan po ay hindi husgado, hindi gaya ng ICC na puwedeng magpakulong. Yan po, ang kanyang katungkulan lamang ay imonitor kung talagang tumutupad sa tungkulin ang mga bansang miyembro ng United Nations,” giit ni Roque.

“Walang kuwenta po, hindi dapat pag-aksayahan ng panahon. Toothless tiger po ang UNHRC, ‘yung mga bansa na namumutol ng ulo ay hanggang ngayon walang nangyayari sa kanila. Etsapuwera po natin ‘yan dahil napakaliit ng mga bansang gustong maimbestigahan ang drug war sa Pilipinas,” dagdag pa niya.

Kahit aniya nanalo ang yes vote sa inihaing resolusyon ng Iceland, sinabi ni Roque na mas marami ang bansang naniniwalang hindi dapat pag-aksayahan ng panahon ang mga nangyayari sa Pilipinas.

Naniniwala ang dating tagapagsalita ng Malacañang na talagang ipinilit manalo ang kagustuhang mag-imbestiga dahil matagal nang gustong makapasok sa Pilipinas si Agnes Callamard.

Pero magagawa lamang aniya ito ng UNHRC kung papayag ang gobyerno na mag-imbestiga sila sa anti-drug war ng Duterte administration.

“Matagal nang gustong pumasok si Callamard, kaya ganyan ang sitwasyon ngayon. Maski sila magpilit, wala silang moral authority. Walang kapangyarihan ang UNHRC na piliting papasukin ang kanilang imbestigador hangga’t hindi natin gusto dahil ‘yan ay nakasaad sa kasunduan ng mga miyembro,” dagdag pa ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?