193

Oct 27, 2017 @ 13:10

‘Undas tips’ inilabas ng DoH

Pinaalalahanan ngayon ng Department of Health ang publiko para sa mga dapat isaalang alang ng mga magtutungo sa sementeryo ngayong undas

Partikular na pinayuhan ni DOH Spokesperson Dr. Lyndon Lee Suy, na huwag na magtungo sa sementeryo ang mga buntis, nakatatanda at may iniindang karamdaman dahil tiyak na mainit at siksikan sa mga libingan ngayong undas.

Kung hindi naman aniya maiiwasan ay kailangang magdala ng gamot tulad ng mga may maintenance drugs at magsuot ng face mask kung may sakit.

Dapat din aniyang mga preskong damit na lamang ang isuot at magdala ng pamalit, face towel, pamaypay at pananggalang sa init at ulan.

Dahil sa inaasahang mainit na panahon, kailangang magdala ng tubig lalo na at malayo ang nilalakad sa sementeryo.

Mahigpit ang paalala ni Lee Suy na magbaon na lamang ng mga pagkain na hindi madaling mapanis upang maiwasan ang pagbili ng pagkain na hindi tiyak na malinis ang pagkakaluto. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?