75

Nov 1, 2019 @ 19:20
By

Undas ‘di dinumog dahil sa long weekend

Halos bumaba ang bilang ng mga bumisita sa iba’t ibang sementeryo sa Metro Manila dahil sa natapat sa long weekend ang paggunita sa Undas ngayong taon 2019.

Base sa datos ng National Capital Regional Police Office mula alas-2:00 ng hapon, nasa kabuuang 960,095 lamang ang “crowd estimate” nila sa sementeryo sa Metro Manila.

Sa naturang bilang, pinakamarami ang mga nasasakupan ng Manila Police District (MPD) na may crowd estimate na 620,400 ng naturang oras, kasunod ang Southern Police District na may 149,840 tao sa kanilang mga sementeryo, ang Quezon City Police District ay nakapagtala ng 81,300, nasa 52,987 sa Eastern Police District at nasa 46,475 sa mga sementeryong sakop ng Northern Police District (NPD).

Paliwanag ng mga awtoridad, posible ito dahil natapat sa long weekend ang Undas kung saan inaasahan na dadalaw sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay ang ibang pamilya ngayong Sabado hanggang Linggo.

Marami na rin umanong nauna nang bumisita bago ang Nobyembre 1 at umiiwas sa dami at siksikan ng tao.

Base sa pahayag ni NCRPO acting Director Police Brig Gen Debold Sinas, na naging mapayapa ang selebrasyon ng Undas dahil na rin sa ipinatupad na mahigpit na seguridad ng pulisya at iba pa nilang katuwang.

“Mas naging mahigpit po ang pag-iikot ng mga kapulisan sa mga kasuluk-sulukan ng mga puntod para matiyak na walang makalulusot na nag-iinuman ng alak o kaya ay nagsusugal,” ani ni Sinas.

Wala pang naitatalang hindi inaasahang insidente sa mga sementeryo sa Metro Manila.

Bahagi umano ito ng patuloy na paghihigpit sa pagpasok ng mga armas at anumang matatalas na bagay, mga bote ng mga likido, alak, baraha, anumang kemikal at iba pang gamit na makakasagabal sa mapayapang paggunita ng Undas.

Inumpisahan ni Sinas ang Undas sa pag-inspeksyon sa Loyola Memorial Park sa Marikina City at saka isinunod ang Laloma Catholic Cemetery na nasasakupan ng Maynila at Quezon City.

Dakong alas- 5:00 ng hapon nang dumating naman sa Manila Memorial Park sa Sucat Paranaque City si Sina habang si Southern Police District (SPD) Director Police Brig Gen. Nolacso Bathan ay nag-ikot din sa Heritage Memorial Park sa Taguig City at sa Pasay City Cemetery.

Magpapatuloy sa pagbibigay ng seguridad ang NCRPO sa mga sementeryo ngayong Nobyembre 2 o ang aktuwal na Araw ng mga Kaluluwa (All Souls Day).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?