46
Unang SEAG gold, bibigay ni Diaz
Aug 1, 2019 @ 11:03
By

Unang SEAG gold, bibigay ni Diaz

Umaasa si weightlifter Hidilyn Diaz na tuluyan niyang masusungkit ang pinakaunang gold medal niya sa gaganapin sa Luzon na 30th Southeast Asian Games 2019 sa Nobyembre 30-Disyembre 11.

Sinabi ni Diaz Miyerkoles, na nakahanap siya ng peace of mind at nakapokus sa maayos na pagsasanay sa pag-iisa sa Taiwan kung saan ito sumasailalim sa dalawa at kalahating buwang training camp.

Inamin ng 2016 Rio de Janeiro Olympic silver medalist na mas nakatutok siyang maabot ang minimithing pag-qualify sa ika-4 na pagkakataon sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan.

Ipinaalam ni Diaz, kasama si Chinese coach Gao sa Taiwan, na mas nadagdagan ang nabubuhat niya na mga bigat at malapit na maabot ang target sa Setyembre na World Championships sa Pattaya, Thailand.

“Nabubuhat ko na ngayon ang 94kgs sa snatch at 117kg sa clean and jerk. Malapit na rin ako sa target ko na 98/120kgs,” aniya.

Pinagtutuunan ni Hidilyn na mapanatili ang kasalukuyang world number two ranking sa likuran ng isang Chinese sa 55 kilograms upang masigurong makapasok sa 2020 Tokyo Olympics.

Tapos sumabak sa World Championships, wala nang intensiyon pa na sumali sa ibang torneo si Diaz dahil nakasentro na ang atensiyon sa asam na unang SEA Games gold.

Kaya tinanggihan niya ang imbitasyon sa Pan American Games sa Lima, Peru upang bigyang prayoridad ang World Championships at ang SEA Games.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?