109

Feb 19, 2020 @ 21:50
By

Unang Pinoy na nagpositibo sa COVID-19 sa Japan, gumaling na

Nakatakda nang lumabas ng ospital ang kauna-unahang Pilipino na nagpositibo sa coronavirus (COVID-19) sa naka-quarantine na MV Diamond Princess cruise ship sa Yokohama, Japan.

“The Philippine Embassy in Tokyo is pleased to announce that the first Filipino crew member who tested positive for COVID-19 and was admitted to the hospital on February 5 has been successfully treated,” sabi sa pahayag ng Philippine Embassy in Tokyo.

Samantala, pumalo naman sa 41 ang bilang ng mga Pilipinong sakay ng cruise ship ang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon sa Department of Health, anim pa kasing Pinoy ang nakumpirmang positibo sa sakit nitong Miyerkoles, ang huling araw ng 14-day quarantine period para sa mga pasahero at crew ng cruise ship.

Kaugnay nito, inaayos na ng gobyerno ng Pilipinas ang pagpapauwi sa nasa 500 Pilipinong manggagawa na sakay din ng Diamond Princess.

Sabi ng DOH, ang mga walang sintomas ng COVID-19 lamang ang mga maisasama sa repatriation habang ang mga Pilipinong nagpositibo sa virus ay maiiwan sa Japan hanggang sa makarekober.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?