147
Fergus E. Josue, Jr.
Apr 26, 2019 @ 15:30
By ,

Unang MPBL crown ninamnam ng San Juan coach Alcantara nasarapan, Bautista ‘nasugatan’

Walang kasing-sarap!

Ganito ang pakiramdam ni San Juan Knights head coach Randy Alcantara matapos angkinin ang unang kampeonato sa MPBL Datu Cup.

Nanakaw ng Knights ang titulo sa Datu Cup nang maitakas ang 87-86 na panalo kontra host city Davao Occidental Tigers sa Rizal Memorial College Gym Huwebes ng gabi.

Tangan ng Knights ang 2-1 na bentahe sa serye at may pagkakataon na sana ito na tuluyang masungkit ang kampeonato sa kanilang balwarte pero naglamlam ang laro nila kaya’t naipwersa ng Davao ang do-or-die Game 5.

“Napakasarap nito. Hindi man namin nakuha sa home court, still, champion pa rin kami,” wika ni Alcantara, na tinanghal ding Coach of the Year ng liga.

May halos dalawang dekada bago muling nakuha ng Knights ang kampeonato. Huli silang nagkampeon noong 2000 at 2001 season ng wala na ngayong Metropolitan Basketball Association (MBA).

Para naman sa Davao, isang napakasakit na kabiguan ito sa kanila lalo na’t abot-kamay na ng tropa ang titulo bago nag-iba ang ikot ang bola at tuluyan itong masilat.

“Ang sakit,” maiksing salita mula kay Tigers team owner Claudine Bautista, sa naging pagtatapos ng kampanya ng kanilang koponan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?