57

Dec 13, 2017 @ 16:31

Unang FIDE Master title, nasikwat ni Pinoy chesser Miciano

Nakamit ni national master (NM) John Marvin Miciano, na taga-Davao, ang kanyang unang World Chess Federation (FIDE) Master title matapos ang magandang mga tira sa 2017 Penang Heritage City International Chess Open sa Malaysia.

Nakatapos na may anim na puntos sa siyam na rounds ang 17-anyos na Far Eastern University (FEU) senior high school student.

Naipuwesto nito ang sarili na ika-17 sa 134 na partisipante mula sa 16 na mga bansa, ayon sa pahayag ni coach GM Jayson Gonzales sa SunStar.

Gumapang sa tuktok mula sa pagiging 37th seeded si Miciano nang kalusin ang dalawang kapwa Pinoy na sina IM Haridas Pascua at Emmanuel Senador.

Pinadapa rin nito ang Indonesian na si FM DeniSonjayandSetyakiAzarya Jodi at si NhavinKumaresan ng Malaysia.

Samantala, suportado umano nina National Chess Federation of the Philippines president Cong. Prospero Pichay, Jr. at Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez at ng FEU ang pagsabak na ito ni Miciano.

Nakatakdang lumaban din sa Johor Open International sa Malaysia hanggang Disyembre 19 si Miciano sa asam na makuha ang pangalawa niyang IM norm.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?