79

By

Unang araw ng overseas absentee voting, naging maayos – Comelec

Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na naging maayos sa pangkalahatan ang unang araw ng pag-arangkada ng overseas absentee voting (OAV) sa iba’t ibang bansa.

Nagsimula ang OAV noong Abril 13 at matatapos sa Mayo 13.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, wala naman silang natanggap na ulat na malaking problema na naranasan sa pagsisimula ng botohan.

Agad din naman aniyang naresolba ang maliliit na problema tulad ng kalituhan sa identification process sa Al Khobar, Saudi Arabia.

Nagkaroon umano ng delay sa Bureau of Customs ang hard copy ng Election Day Computerized Voters Lists na gagamitin dapat sa Al Khobar.

Sinabi ni Jimenez na naresolba agad ito dahil sa mga ipinadala nilang downloadable files para sa beripikasyon ng mga botante.

Idinagdag ni Jimenez na nireresolba na rin ng komisyon kung paano makaboto ang mga overseas voter sa mga lugar na sinuspinde ang botohan.

Kabilang sa mga lugar na suspendido ang overseas voting ang Tripoli, Libya; Damascus, Syria at Baghdad, Iraq.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?