216

Dec 19, 2017 @ 15:00
By

Umiwas sa matatamis ngayong holiday season

Pasko na naman, kaya asahan na sangkatutak na matatamis ang makikita at matitikman sa hapagkainan.

Tandaan na sa bawat subo mo ng leche flan, buko salad, macaroni salad, ube halaya, buko pandan, chocolates, iba’t ibang kakanin at iba’t ibang klase ng masasarap at makukulay na cakes, tiyak ‘yan na hundreds o thousands of calories ang papasok sa katawan at tiyak din na pagsisisi ang maririnig sa bandang huli.

Sa panahon ngayon, maraming Pinoy ang nagkakaroon ng diabetes. Ito ang sakit kung saan tumataas ang blood sugar sa dugo at posibleng magkaroon ng mga komplikasyon sa puso, mata, bato at paa.

Ayon sa malaking pagsusuri ng National Heart, Lung, and Blood Institute sa Maryland, USA, may limang paraan para makaiwas sa diabetes:

Huwag magpataba — Subukang abutin ang iyong tamang timbang base sa edad.

Maging aktibo at mag-ehersisyo — Hindi naman masama ang mag-exercise kaso nga lang ay kinatatamaran, kaya galaw-galaw din pag may time para sa kalusugan.

Umiwas o limitahan ang pag-inom ng alak at iba pang bisyo — Hinay-hinay lamang sa mga pag-gimmick dahil bukod sa mahal ang gastusin ay bihira na lang ang kaibigan na nagpapainom.

Piliin ang mga masustansiyang pagkain — Nararapat kumain ng mga gulay para sa dagdag na lakas at sigla ng katawan, ganun din ang pagkain ng mga prutas.

Magkaroon ng disiplina sa sarili — Ikaw na rin ang makakapagkontrol sa sarili mo kung gusto mo ng maayos na buhay at malusog na pangangatawan.

Ayon kay Dr. Jared Reis, ang author ng pagsusuring ito, ang pagiging mataba at ang pagkonsumo ng maling pagkain ang pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng diabetes.

Pinag-iingat din ang lahat sa pag-inom ng softdrinks at matatamis na juices. Ang isang basong softdrinks ay may 7 kutsaritang asukal. Kaya mainam na tubig na lang ang inumin.

Kung ayaw n’yong magkaroon ng diabetes, umiwas din sa mga pagkain na alam n’yo na nakasasama. Maaari namang kumain basta hinay-hinay lamang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?