78

Dec 5, 2017 @ 18:03
By

Umiskor ng cellphone, binatilyo balik-kulungan

Balik-kulungan ang isang binatilyo matapos itong manghablot ng cellphone ng isang babae sa Las Piñas City kamakalawa ng gabi.

Itinago na lang sa alyas na Lito ang 17-anyos na suspek, samantalang ang kanyang kaibigan na inaresto din ay kinilalang si Louie Cabangal, 18.

Sinabi ni PO2 Ronald Sabornido, sakay ng pampasaherong jeep ang biktima nang agawin mula sa labas ng sasakyan ang kanyang cellphone sa Barangay Almanza Uno.

Bumaba pa ang biktima para habulin si Lito ngunit hinarang siya at tinutukan ng kutsilyo ni Cabangal.

Dito ay nagsisigaw na ito kaya’t nakuha niya ang atensiyon ng mga nagpapatrulyang pulis na nakaaresto sa dalawang suspek.

Sinabi ni Sabornido na ang menor de edad na suspek ay dati nang inaresto dahil naman sa pagnanakaw. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?