415

Nov 3, 2017 @ 17:11

Umihi na parang aso, patalim nabuko

Dagil hindi na mapigilan ang tawag ng kalikasan, umihi na lang sa poste ang isang lalaki at natiyempuhan naman siya ng mga nagpapatrulyang pulis sa Leveriza, Pasay City kahapon ng madaling araw.

Ngunit ang simpleng paglabag sa ordinansa ng 31-anyos na si Chris Valenzuela, ng FB Harrison, sa lungsod, ay bumigat nang mahulihan siya ng isang talampakang haba ng kutsilyo.

Ngayon nahaharap sa kasong illegal possession of deadly weapon at urinating in public place si Valenzuela.

Samantala, hinihinala na lasing ang driver ng isang sports utility vehicle (SUV) na matapos bumangga sa isang puno ng acacia sa Roxas Boulevard, Pasay City ay inararo ang tatlong nakaparadang sasakyan.

Nakita naman ng mga testigo na tumakas ang apat na sakay ng tumagilid na puting Toyota Fortuner, na nakarehistro sa isang Takuya Hoshino, ng Regency Tower, Sta. Cruz, Maynila.

Sinisi naman ni Rene Rico, driver ng isa sa mga napinsalang sasakyan, ang puno dahil aniya dapat inalis na ito nang gawin ang kalsada. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?