81

Nov 29, 2017 @ 16:58
By

Umento sa sundalo’t pulis, kayang pondohan ng 2018 budget – Lacson

Tiniyak ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson na mapopondohan at maipapaloob sa pambansang badyet sa 2018 ang balak na umento sa base pay ng mga pulis, sundalo at iba pang uniformed personnel, gayundin ang ipinahahabol na pensyon para sa mga retirado.

Para sa umento sa base pay, garantisado na umano itong kasama sa panukalang budget o General Appropriations Act (GAA) sa 2018 dahil may natukoy nang paghuhugutan nito.

Sa pagdinig ukol sa umento, sinabi ni Department of Budget and Management Assistant Secretary Myrna Chua, na P64.24 bilyon ang kailangan para maibigay ang balak na umento sa mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police, Armed Forces of the

Philippines, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at National Mapping and Resource Information Authority.

Mapopondohan ito dahil ililipat lamang tungo sa base pay ang ibinibigay ngayon sa mga nabanggit na provisional at officers allowance.

Ipinabigay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing mga allowance para makapagbigay ng umento habang hindi pa ito nagagawan ng batas.

Ayon kay Lacson, kaya namang tustusan ang P38 bilyon para sa pagbibigay ng umento sa pensyon ng may 200,000 retirado.

Puwede aniya itong kunin sa ipinatapyas niyang budget ng DPWH para sa mga civil works at road right-of-way na nakita niyang hindi naman maipagagawa sa 2018.

Kung kapos pa ito, maaari pa umanong pigain ang panukalang budget dahil taon-taon namang hindi nagagamit ang 20 porsiyento ng pambansang badyet.

Sa plano ng Malakanyang, ang mga nasa aktibong serbisyo lang ang bibigyan ng umento pero iginigiit ni Lacson na isabay na ang mga retirado dahil 20 taon na iyong hindi naitataas.

Nasa 89 porsiyeto rin aniya ng mga retirado ay non-commissioned officers na karapat-dapat umano sa umento at pagpapahalaga dahil nasa 20 taong nag-alay ng buhay sa serbisyo.

Puwede naman aniyang umentuhan ang mga retirado ng 25 porsiyento o mas mababa sa 50 porsiyento. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?