56

Oct 30, 2017 @ 14:52

Umawat sa away ng kainuman, binurdahan ng bala sa katawan

Patay agad matapos tadtarin ng bala sa katawan ang isang elevator installer makaraang umawat sa away ng kanyang kainuman, kamakalawa ng gabi sa Barangay Palatiw, Pasig City.

Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director SSupt. Romulo Sapitula ang tumakas na magkapatid na suspek na sina Johnry Martin at Tyron Gerald Martin, nasa hustong gulang at residente ng Martin Compound, Barangay Palatiw.

Dead on arrival naman sa Pasig City General Hospital (PCGH) ang biktima na si Ronaldo Isla, 37-anyos, residente ng Martin Compound, Barangay Palatiw matapos magtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa report, naganap ang insidente bandang alas-7:45 ng gabi sa Martin Compound, M. H. Del Pilar St., habang nag-iinuman ang isa sa suspek na si Johnry kasama ang biktima at ilang kapitbahay.

Nabatid na nagkaroon ng mainitang pagtatalo si Johnry at isang hindi na pinangalanang kapitbahay at dahil kainuman ay pumagitna si Isla at umawat sa away ngunit nagalit pa si Johnry dahil kumakampi umano ito sa isa kaya agad na tinawag ang kapatid na si Tyron na noon ay naglilinis ng kanyang baril.

Agad na nagresponde si Tyron para tulungan ang umano’y naaagrabyadong kapatid at walang sabi-sabi na pinaulanan ng bala ang biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan, mabilis namang tumakas ang magkapatid matapos ang pamamaril.

Kasalukuyang target na ng manhunt operation ang dalawang suspek. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?