33

By

Umawat sa away, inutas

Nasawi ang isang 44-anyos na lalaki makaraang umawat sa pag-aaway ng kanyang kapatid na babae at kinakasama nito sa Las Piñas City Linggo ng gabi.

Hindi na umabot nang buhay sa Las Piñas District Hospital ang biktimang si Roderick Narteya, laborer, nakatira sa Barangay Talon 5 sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Malubha namang nasugatan ang suspek na si Ramuel Jay Penolio, 30, construction worker at residente rin sa naturang lugar nang bugbugin at saksakin ng hindi pa kilalang mga kalalakihan na humabol sa kanya nang magtangkang tumakas makaraan ang pananaksak.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, pauwi na ang biktima sa kanilang bahay alas-7:30 ng gabi nang madaananan ang kapatid at kinakasama na nagbabangayan sa lansangan ng Main Road, Villa Pangarap, Talon 5 habang pinapanood ng mga tambay.

Inawat umano ng biktima ang dalawa subalit sa kanya ibinaling ni Penolio ang galit matapos bumunot ng patalim at pinagsasaksak ang biktima bago mabilis na tumakas.

Hinabol naman siya ng mga kalalakihang nakasaksi sa pangyayari at nang abutan ay pinaggugulpi at sinaksak ng hindi pa kilalang salarin.

Isinugod din sa nasabing pagamutan ang suspek at kasalukuyang ginagamot.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?