128

Oct 17, 2018 @ 21:58
By

Umano’y profiling ng PNP sa makakaliwa, pinaiimbestigahan sa Kamara

Pinagpapaliwanag ng Makabayan bloc sa Kamara ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng memo na nag-aatas ng profiling sa mga makakaliwang organisasyon at kandidato.

Sa inihaing House Resolution 2233, hiniling ng mga militanteng kongresista na masilip ang bagay na ito at ipatawag ang mga opisyal ng PNP.

Sa resolusyon, binanggit na noong September 25, ang direktor ng District Intelligence Division ng Manila Police District ay naglabas ng memo sa lahat ng MPD station commander na nag-uungkat tungkol sa kanilang periodic situation report.

Kasunod umano ito ng workshop na isinagawa noong Agosto at Setyembre kung saan napag-usapan ang mga sinasabing threat group sa gobyerno.

Kabilang dito ang mga komunistang grupo, mga rebeldeng nagsusulong ng peace talks tulad ng MILF, MNLF, mga terorista kabilang ang ISIS at Abu Sayyaf.

Ipinamo-monitor umano sa mga police station pati ang mga kandidato na suportado umano ng mga rebeldeng komunista.

Ayon sa Makabayan bloc, mapanganib ang ganitong memo dahil nagtutulak ito sa mga pulis na maging utak militar lalo pa at nagagamit na ang kautusang ito sa pangha-harass sa ilang indibidwal, kandidato at organisasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?