327

Dec 27, 2017 @ 15:14
By

Umano’y manyak na lalaki, sinaksak ng kapitbahay, kritikal!

Kritikal ngayon ang isang lalaki dahil sa saksak sa kanyang kapitbahay na bigla na lamang siyang sinugod sa bahay nito sa Navotas City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat nina PO3 Allan Bangayan at PO1 Reysie Penaranda, ng Navotas City Police Community Precinct IV, alas-5:30 ng hapon nangyari ang krimen sa bahay ng biktimang si Charlito Ferol, 57-anyos, may asawa, walang hanapbuhay, sa Block 37, Phase II, Area 1-A, Bakoko Street, Barangay North Bay Boulevard South.

Kasalukuyan umanong nasa loob ng kanilang bakuran ang biktima nang biglang dumating ang suspek na si Carlo Manalo, 43-anyos, trabahador at residente ng Block 36 ng nasabi ring lugar.

Nang makita ang biktima ay bigla na lamang umanong pinagsisigawan ng suspek at sinabihan ng mga katagang “Manyakis ka! Huwag mong sabihin na marami kayo dito, titirahin kita!” sabay bunot ng patalim at sinugod ang biktima saka ilang beses sinaksak.

Tumakas naman ang suspek matapos ang pananaksak habang naisugod sa Tondo Medical Center ng kanyang mga kaanak ang biktima na kasalukuyan pang nagpapagaling sa ngayon.

Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ay naaresto ang suspek na tikom ang bibig kung bakit niya nagawang saksakin ang biktima at kung bakit niya rin ito tinawag na manyakis. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?