191

Nov 26, 2017 @ 12:56
By

Umali kay Gadon: Bumawi ka

Umaasa ang House justice committee na magiging mas maganda at mas maayos na ang paglalatag ni Atty. Larry Gadon ng kanyang mga alegasyon laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pagpapatuloy ng impeachment hearing bukas.

Ayon sa chairman ng komite na si Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, pagkakataon ni Gadon na bumawi mula sa naunang performance kung saan kulang-kulang ang inilahad nitong impormasyon sa mga akusasyon laban kay Sereno.

“Yong isa sa mga mangyayari, kapag si Gadon ay aming tinawag muli ay para ipaliwanag sa amin at ituro nya sa amin kung sino ang mga makakapagpatunay na may personal knowledge ng mga pito pang alegasyon na natitira sa ground 1 and 2,” sabi ni Umali.

Samantala, malabo umanong humarap ang mga mahistrado ng Korte Suprema sa impeachment hearing.

Paliwanag ni Umali, kailangan pa ng en banc approval para makadalo ang SC justices.

“Sa aking pagkakaalam ay parang nangangailangan ng basbas ng en banc bago sila humarap ano, kaya… they are willing except that they need the approval of the en banc,” ayon sa kongresista.

Kabilang sa mga inimbitahan ng komite para humarap sa pagdinig sina Associate Justices Teresita de Castro at Noel Tijam, SC administrator Midas Marquez, SC spokesman Theodore Te at SC clerk of court Felipa Anama. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?