128

Sep 29, 2018 @ 18:27
By

Ultra Lotto 6/58 jackpot hahampas na sa P800M

Posibleng umabot na sa P800M ang nakaambang na jackpot prize ng Ultra Lotto 6/58 sa Linggo matapos na wala pa ring nakakatumpak sa six digit winning combinations na binola noong Biyernes ng gabi.

Ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Alexander Balutan, walang nakakuha ng winning combination na 46-25-55-26-50-57 na mahigit P774 milyon ang premyo.

Sinabi pa ni Balutan na sakaling umabot sa P800-M ang premyo ay ito na ang pinakamalaking jackpot prize sa kasaysayan ng lotto sa bansa.

Naging mailap kasi ang raffle draw ng Ultra Lotto 6/58 kaya umabot na ito sa tinatayang P774 milyong piso at madaragdagan pa dahil sa dami ng umaasam na makatikim ng instant milyon mula sa lotto.

Matatandaang ang Ultra Lotto 6/58 ay unang napanalunan noong February 16, 2018 ng dalawang masuwerteng mananaya na taga Calamba City sa Laguna at taga-Bustos, Bulacan na nanalo ng P331.90-M jackpot na umabot ng limang buwan na pagbola.

Ang 6/58 Ultra Lotto game ay binobola tuwing Martes, Biyernes at Linggo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?